PASASALAMAT

Likas na sa tao ang magpasalamat. Kaya gagamitin ko itong prebilehiyo upang buong puso kong pasalamatan ang mga naging inspirasyon ko para makagawa ng mga sulating pampanitikan at nawa’y magsilbi itong behikulo para mapabuti ang kung anuman ang meron ako.

Sa lahat ng mga taong nagbigay sa akin nang anumang klaseng inspirasyon – batid man ninyo o hindi – salamat. Hindi dahil sa ayaw kong isa-isahin ang inyong mga pangalan ngunit baka may makalimutan ako at baka ito pa ang dahilan para ako’y inyong kamuhian. Nagpapasalamat rin akong lubos sa aking mga magulang sa walang sawang pag-iintindi sa aking mga kamalian. Inspirasyon ko kayo dahil kahit gaano pa kahaba o kaikli ang daang aking tinatahak, nagsisilbi kayong tanglaw at gabay para makarating nang matiwasay sa aking paroroonan at higit sa lahat sa Maykapal na tanging nakaaalam sa kwento ng aking buhay.

Friday, March 21, 2014

LIMOT

Ang pagsidhi ng ina
Sa kanyang anak na inalaga
Ay parang sa isang musika
Na puno ng pagsinta

Naalala ko pa noong aking kamusmusan
Palagi niya akong hinahagkan at inaawitan
Sa lamig ng kanyang boses para kong naiintindihan
Ang mga mensahe sa likod ng kanyang paghele

Ina at kanta
Ano ang pagkakapareho nila?
Oo, may kanya-kanya silang istorya
Pero marami ba ang siyang nakakaunawa?
Sa kanta, kinukulayan niya ang mundo mong payak
At sa mga panahong ikaw’y naisasadlak
Sa ina, binibigyan ka niya ng daigdig
Para mailayo ka sa mga mapagsamantala’t mananaig

Magkasalungat man sila sa maraming aspeto
Iisa lang ang takbo ng kanilang mga kwento
Ang naidulot nilang kabutihan

Ay makakalimutan kasabay ng kanilang paglisan

No comments:

Post a Comment