PASASALAMAT

Likas na sa tao ang magpasalamat. Kaya gagamitin ko itong prebilehiyo upang buong puso kong pasalamatan ang mga naging inspirasyon ko para makagawa ng mga sulating pampanitikan at nawa’y magsilbi itong behikulo para mapabuti ang kung anuman ang meron ako.

Sa lahat ng mga taong nagbigay sa akin nang anumang klaseng inspirasyon – batid man ninyo o hindi – salamat. Hindi dahil sa ayaw kong isa-isahin ang inyong mga pangalan ngunit baka may makalimutan ako at baka ito pa ang dahilan para ako’y inyong kamuhian. Nagpapasalamat rin akong lubos sa aking mga magulang sa walang sawang pag-iintindi sa aking mga kamalian. Inspirasyon ko kayo dahil kahit gaano pa kahaba o kaikli ang daang aking tinatahak, nagsisilbi kayong tanglaw at gabay para makarating nang matiwasay sa aking paroroonan at higit sa lahat sa Maykapal na tanging nakaaalam sa kwento ng aking buhay.

Friday, March 21, 2014

Hiwaga ng Buwan

Hiwaga ng Buwan

Tag-araw. Maaliwalasang kapaligiran. Sa batis na kung tagurian ay pasyalan ng mga magsing-irog, naroon si inay, ang babaeng martir. Naglalaba. Ang patpatin n’yang mga kamay ay parang sa kalansay dahil sa dami ng kanyang nilalaba araw-araw. Ang mga paa n’ya ay namamanhid dahil na rin sa maghapong nakasawsaw sa tubig. Ang mga labahin ay kinukuha pa n’ya sa mga kabahayan sa kabilang baryo na gustong hingin ang kanyang serbisyo. Barya-barya lamang ang kanyang kinikitang pantustos sa nagdarahop n’yang pamilya. Magtatanghali na kaya uuwi na naman s’ya saglit. Nakayapak n’yang binabagtas ang mabatong daraanan. Nag-aapura s’yang makauwi agad dahil alam n’yang may naghihintay sa kanya. Malapit na s’yang makarating nang matanaw n’ya ang batang nakahandusay sa paraanan ng kanilang barung-barung. Nagmamadali s’yang lumapit dito. Hinagkan papasok sa loob. Alam n’yang nalipasan na naman ng gutom ang pobreng bata. Kinuha n’ya ang tirang pandesal na naroroon sa ibabaw ng lamesa. Isinubo sa kanya para mahimasmasan at saka pinahiga sa kamang parang masisira na sa karupukan.. Nakatulog ang bata habang pinapaypayan ng tagpi-tagping karton. Maya-maya ay narinig n’ya sa labas ang mga hiyawan. Tanto n’yang parating na naman ang kanyang nag-iisang anak – si Hali. Yun ang tawag sa kanya ng kanilang mga kapitbahay na nakikiusyoso sa mga kaganapang waring nanonood ng palabas sa tuwing nakikitang nagbabangayan ang mag-ina. “Nand’yan na si Hali”, bungad ng mga lalakeng nag-iinuman sa tindahang tapat ng kanilang bahay. Gusto na naman nilang masilayan ang balingkinitang pangangatawan at malulusog na dibdib ni Hali. “Hey darling, upo ka muna sa kandungan ko”, saad ni Mang Edward, isa sa mga lalakeng nag-iinuman. “May pera ka ba r’yan?”, tugon ni Hali. “Wala eh, utang muna saka na lang yung bayad” ani Mang Edward. “Mahiya kang tanda ka, hindi libre ang bawat kembot ko”, pagmamalaking wika ni Hali sabay tumatawang nang-iinsulto paalis.“May giyera na naman ang mag-ina”, palahaw ng mga lasing habang inihahatid nila ng tingin si Hali papasok sa kanila.

Dire-diretsong tinungo ni Hali ang kusina. “Ano bang klaseng buhay to oo, tutong na nga ang kanin wala pang ulam! Subukan n’yo kayang sumayaw-sayaw sa kabaret gabi-gabi, hubo’t hubad, kapirasong panty lamang ang suot. Mga panty na binibili pa ng mga lalaking parokyano ko. Dahil ang pera ko sanang pambili ay para sa pesteng bata na iyan!”, panduduro sa pobreng bata na nakaratay sa higaan. “Huwag kang ganyan Sabel”, pagmamakaawa ng kanyang ina, si Aling Selya. “Ang batang yan ay iyong anak”.
“Sabel? Sabel ba kamo? Sino ba si Sabel? Ako?! Huwag nga kayong birhen d’yan kung ituring ako. Simula nang mapariwara ang buhay ko at magtrabaho sa pipitsuging kabaret doon sa may bayan, Hali na ang tawag sa akin. Hali-parot. Bato na ang puso ko sa mga lantarang pagkukutya sa akin ng mga tao. Pero ang hindi ko matanggap ay ang batang iyan! Hindi ko s’ya anak. Anak yan ng demonyo mong asawa”.
“Nagmamakaawa ako sa’yo Sabel”, hinagpis ni Aling Selya. “Bata ka pa, hindi pa huli ang lahat. Huwag mo nang balikan pa ang nakaraan”. “Nakaraan?”, tanong ni Sabel. “Ang kabilugan ng buwan ang nagpapaalala sa anino ng aking nakaraan, galit ako sa sumpa ng kanyang liwanag”.
Umupo si Sabel sa paanang bahagi ng kama kung saan nakahiga ang kanyang anak. Kinuha ang yosi. Pinapakalma ang sarili. “Alam mo inay, hindi ko nga alam kung sino ako ngayon, kung saan ba talaga ako patutungo. Ni hindi ko nga maalala kung kailan ba nagpakatatay sa akin ang butihin mong kabiyak. Sapul noong bata pa ako, hindi ko na naranasan ang mabuhay na katulad ng mga kababata ko. Malaya at puno ng pagmamahal. Samantalang ako, kung hindi bugbog, mura ang isasalubong sa akin ni itay. Natuto akong maglakwatsa para makaiwas sa mga sakit na aking tinatamasa. Tuwing hapon, doon sa may batis, hinihintay ko si Carlo. Doon naman talaga ang tagpuan ng mga nag-iibigan! Mahal ko si Carlo, siya ang palagi kong sumbungan, siya ang tagapayo sa akin at may pangako siya na itatakas n’ya ako rito at maninirahan kami sa Maynila. Pero ang mga paniniwala ko ay biglang naglaho.


“Hinihintay ko noon si Carlo sa batis, dala ko ang aking mga gamit dahil yan ‘yung araw na ako’y kanyang itatanan. Naroroon ako mga dapithapon, umaasa na s’ya ay darating. Pero mag-aalas syete na wala pa siya. Kabilugan ng buwan noon, malamig ang paligid, ang lagaslas ng tubig at lawiswis ng hangin ay waring pinapaalahanan na may nag-aantay sa aking trahedya. Nangamba ako subalit tinatagan ko ang aking loob. May anino akong naaaninag sa malayo pero alam kong hindi iyon ang aking kalaguyong matikas dahil ang lalakeng aking nasisilayan ay mataba, ‘yun ay ang aking ama. Nakita ako ni itay dahil sa tulong ng liwanag na mula sa buwan na nagsilbing tanglaw para makarating s’ya sa aking paroroonan. Paspas kong kinuha ang aking mga gamit ngunit hindi pa man ako nakakatakbo ay nahila na nya ang aking buhok, napahiga kami sa may batuhan. Nagawa n’yang lahat ang gusto n’yang mangyari. Wala akong lakas para siya ay pigilan. Naging saksi ang batis sa mapait kong sinapit.
“Kinabukasan, nalaman ni Carlo ang nangyari sa akin, kahit may sakit siya ay dali-daling tinungo si ama na noon ay natutulog sa kwarto, may hawak siyang balisong. Dumanak ang dugo sa kanyang mga kamay. Walang krimen lalo na sa mga dukha ang nadadaan sa santong usapin. Namalayan ko na lang na ang aking pinakamamahal na tagapangtanggol ay naghihimas na ng rehas na bakal. Ako, dahil sa maagang nabuntis, ay nawalan na ng direksyon ang aking buhay. Pumasok ako bilang taga-aliw sa mga taong may makamundong pagnanasa. Inaalipin ang mga diwata sa gabi. Taga-aliw sa mga lalakeng katulad ng aking ama. At habang umuuwi ako na nakikita ko ang sumpang ‘yan. Hindi ko mapigilan ang aking emosyon. Naaalibadbaran ako. Poot ang naghahari”.


“Tama na anak, magtigil ka!”. Alam kong ako lahat ang may kasalanan. Ang lahat ng sisi ay dapat mong ibuntong sa akin, wag kay Maria na iyong anak. Siya ay kalahati ng iyong laman. Kahit pilit mo s’yang talikuran, nandoon pa rin ang katotohanang siya ay iyong anak. Nagmula siya sa’yo. Palayain mo na ang uwak na nakakulong nang matagal sa iyong puso. Hindi pa huli. Iwasto mo ang iyong buhay. Gumising ka sa bangungot ng karimlan, panaghoy ni Aling Selya.
“Kung ito nga ay isang bangungot, nanaisin kong wag na lang magising. Dahil hindi naman nagkakalayo ang bangungot na aking dinaranas kaysa sa tunay na daigdig – mapagkunwari at nakamamatay”, depensa ni Sabel.


Makalipas ang labing-isang taon.


Dahil na rin sa katandaan. Pumanaw ang butihing ina ni Sabel. Ni wala s’yang anumang sentimyentong nararamdaman. Manhid na siya sa kalungkutan. Sa mga nagkikislapang mga ilaw ang mundo n’ya, sa hiyawan ng mga lalakeng bastardo ang nagbibigay sa kanya ng galak. Napapaniwala s’ya sa mga puri ng kasinungalingan. Natuto s’yang gumamit ng bawal na gamot, ‘yun lamang ang kanyang sandalan. Sa bawat hithit buga, lumalabas ang usok ng kanyang huwad na katauhan. Siya ay nagpapalahaw, umiiyak, nanginginig, takot na takot. Sa kanyang imahinasyon, nag-aapoy ang paligid, naglalagablab. Tinutupok ang katawan nya. Siya ay nadadarang. Wala syang ibang alam na puntahan kundi sa batis. Sa lugar na naging puno’t-dulo ng kanyang pagdurusa. Mabilis n’yang tinanggal ang kanyang mga damit at sumulong s’ya sa katubigan. Parang bata na naglalaro. Malaya. Kabilugan na naman ng buwan. Ang lamig ng tubig ay tama lamang para maibsan ang init na kanyang nadarama. Tama lamang para maalala ang nakaraan. Tama lamang ang madilim na liwanag ng buwan para takasan ang buhay na nagsadlak sa kanya sa pagkamuhi. Sapilitang inianod ang mukha sa dalisay na agos ng tubig. Maraming nalagas na dahon sa mga punong nakapalibot sa batis pagkatapos.
Sa mga kwento ng kapitbahay nalaman ni Maria ang nangyari sa kanyang ina pero wala s’yang pakialam. “Hindi mo ba titignan ang iyong ina?”, tanong ng isang kapitbahay. “Para ano pa, hindi na kailangan, ganun din naman s’ya nung namatay ang kanyang ina eh”, pilosopong sagot ni Maria. “Paano ka na nyan mabubuhay?”, naaawang tanong ng isa na namang kapitbahay. “May kunting pera na naiwan ni nanay dun sa kanyang aparador, ok na yun tsaka ko na lang proproblemahin ang buhay ko”, ani Maria.

Isang gabi sa bahay nina Maria. Habang inililigpit n’ya ang mga damit ng kanyang inang si Sabel. May nakita s’yang amarilyong damit, lampas bewang lamang ang haba. Iginayak n’ya, Hapit na hapit. Umumbok ang makinis n’yang dibdib sa kurbada nyang pigura. Umupo s’ya sa may harap ng salamin, kinuha n’ya ang pulang lipstick na pagmamay-ari ng kanyang ina. Inilapat n’ya sa kanyang bibig. Lalong tumingkad ang kanyang kagandahan. Kaperahas rin ng ina ang kanyang angking ganda. Lumabas s’ya sa kanilang bahay. Kabilugan pala ng buwan noong gabing iyon.



No comments:

Post a Comment