Mahal kita. Oo, sobra!
Mahal kita pero hindi mo man lang magawang suklian ng tama
Nagbabakasakali akong yakapin mo rin ako
Katulad nang pagyakap ng takipsilim sa gintong araw na buong-buo
Mahal kita. Oo, sobra!
Mahal kita, pero hindi mo man lang ako mabigyan ng karampatang
halaga
Nangangarap akong halikan mo rin akong muli, kahit makailang
dampi lang sa mga labi kong sawi
Paghalik na katulad ng bubuyog sa rosas na kalaunan’y gagawa ng
matamis na pulot-gata
Matamis na pulot-gata ngunit bakit ang mga halik mo’y pait ang
siyang pinapaalala?
Mahal kita, pero bakit, bakit mo ako binabalewala?!
Sabi mo hinahanap mo ako.. tanong ko lang, ako nga ba o ang
kawalan ko?
Ilang teks at mensahe ko ba ang kailangan mong mabasa
Para maiparating sa’yo na iniisip kita tuwina?!
Ilang panaginip pa ang kailangang maranasan
Dahil doon lamang kita nakakasama’t nahahagkan?!
Ilang unan pa ang kailangang mabasa
Tuyot na ang aking mga mata dahil sa pagtulog na wala ka sa
aking tabi, sinta?!
Ilang malulungkot na awit pa ang kailangan kong marinig
Para matanto ko na hindi mo talaga ako iniibig?!
Manhid ako, oo sobra!
Manhid na sa palagi mong ginagawa sa akin, mahal
Nakita kita, may kahawak kamay kang iba
Tumindig lang ako
Tumindig lang ako na malayo sa kamalayan ninyo
Hindi ko alam kung sisigaw ba ako ng laban o paalam
O mananatili akong nakatayo at lisanin ng temang pag-aalinlangan
Humabol lamang ang tingin ko sa inyong dalawa, mahal
Pagkauwi mo, inundayan kita ng saksak ng pagkapoot
Subalit sa akin tumama ang sugat ng iyong pagkaharot
Nakakulong ako ngayon sa selda ng katotohanan
Katotohanang isang araw ikaw ay aalis at magpapaalam
Katulad ng pag-alis ng alon sa dalampasigan, babalik na kusa
pero hindi alam kung kalian
Katulad ng pag-alis ng melodya ng kanta, pag-alis lang ng isang
nota, kahulugan’y mag i-iba na
Ngunit pinipilit kong kumawala sa mga rehas ng pagkabigo
Aantayin ko na lamang na sabihin mo ang “mahal, aalis na ako!”
Umasa ako, oo sobra!
Umasa ako na para kang tala sa kalangitan.
Na nakabitin lang pagsapit ng gabing dadaan.
Kahit tumingala ka sa kawalan, nandyan lamang sila, nag-aabang.
Binibigyan ka ng liwanag sa landas ng pag-iisa.
Para mapawi ang kalungkutan kahit wala kang kasama
Nagniningning. Nakatingin
Nagniningning. Nakatingin
Umasa ako, oo sobra!
Umasa na ikaw ang boses ko sa tuwing ako’y napipipi.
Yung sinasakbibi mo ang tinig ng aking pagkasawi at binibigkas
ang mga salitang nais kong isabi.
Nagdaramdam. Nakikinig
Nagdaramdam. Nakikinig
Umasa ako, oo sobra!
Umasa akong hindi mo ako pababayaan.
Katulad ng hindi pagbaya ng araw sa buwan.
Ang pag-ikot ng buwan sa mundo at ang mundo sa araw
Sana ganoon din tayo.
Balanse nating paikutin ang init at lamig na sasanib sa ating
pareho.
Na malayo sa ginagawa mong pagpapa-ikot sa aking puso.
Nagbibigay. Nanatili.
Nagbibigay. Nanatili.
Sana bago mo ako hinawakan, tinanong sana kita kung may plano ka
bang ako’y bitawan?
Sana bago mo inalam ang aking pangalan, sana nalaman ko na agad
na ako pala’y iyong kakalimutan.
Sana bago mo ako inihahatid sa mga tungo ko, sana pinaalala mo
na hindi mo na ako susunduin at ikaw’y susuko
Sana. Sana
Mahal na mahal kita at ubos na ubos na ako